dapit-hapon na sa Bonn
(Naisulat ko ito bilang kontribusyon ko sa aming newsletter "Tinig ng Tropa" na naitaguyod ng Tropa ng Kabataang Pinoy sa Deutschland bilang paghahanda sa nalalapit na World Youth Day sa Cologne ngayong Agosto. Ito ay pamamaalam sa isa sa aming pinakamamahal at masipag na ka-miyembro
Masarap isipin na minsan sa buhay ko may nakilala akong tao na sobrang palangiti at napaka-positibo ng tingin sa buhay maski na sangkaterba na problema ang bumabagabag sa kanya o kaya naman ay santambak ang kanyang trabaho at pagod. Yun bang ngiti na parang sikat ng araw sa makulimlim na panahon. Ray of light, ika nga.
Simula ng dumating sya sa Bonn, nagkaroon ng malaking asset ang komunidad dahil nagkaroon sila ng kasama na lubos ang paniniwala sa Diyos at taos-pusong naglilingkod sa Kanya. Sa iniikutan niyang mundo sa simbahan, alam ng lahat ang kanyang talento sa pagtugtog ng piano o organ. Paminsan-minsan ay pumipitik din siya sa gitara kung kinakailangan. At higit sa lahat ay ang pagtuturo niya sa choir na puno ng pagpapakumbaba at pagkahaba-habang pasensiya na di pangkaraniwan. Sa sobrang sipag ng taong ito, maski na pagod sa trabaho, pilit pa rin niyang ginagampanan ang kanyang mga responsibilidad sa community niya at ganoon na rin sa grupo namin ng mga kabataan ngayon.
Dahil na rin siguro sa kanyang paglilingkod, binigyan siya ni Lord ng isang magandang blessing. Siya ay pinadala kasama ng ibang representantive ng Alemanya sa Roma noong 2003 para salubungin at tanggapin mula sa kabataan ng Canada ang World Youth Day Cross na 20 taon nang lumilibot sa buong mundo, simbolo ng paniniwala ng kabataan sa Panginoong Hesu-Kristo. Alam niyo ba na nasa opisyal na dokumento ng World Youth Day ang taong ito?!? Ang galing diba!
At dahil na rin sa World Youth Day ay nagkaroon ako ng pagkakataong makatrabaho siya ng puspusan. Doon ko lalong na-appreciate ang kagandahan ng kanyang loob . Sa mahahabang pag-uusap ng grupo na labu-labong trabaho, kwentuhan, biruan, asaran, seryosong usapan sa buhay at kainan, sobrang napamahal sa akin ang taong ito.
Hindi lang musika ang talento niya kundi marunong rin siyang mag-edit ng video dahil na rin sa kanyang trabaho noon sa atin sa ABS-CBN, lalong-lalo na sa show na Cyberkada. Bukambibig niya minsan ang magkapatid na di Rossi, si Alessandra at Assunta, na parang kabarkada niya pati na rin mga kuwento tungkol kay Sharon Cuneta at Regine Velasquez na nakikita ko lang sa Yes! Magazine. Minsan naiisip ko, ang layo na rin talaga ng kanyang narating.
Ang sumunod na magandang break na nakuha niya ay ang pagtatrabaho sa UNV o United Nations Volunteers. Sila ang nagpapadala ng mga tao sa iba’t-ibang panig ng mundo kung saan may Peace-keeping Mission ang UN. Sa kanyang trabaho ay lubos ang pagtulong niya sa mga taong lumalapit sa kanya para maging volunteer. At ngayon ay isa na rin siya sa mga volunteer na ito dahil natanggap siya sa UN Mission sa Liberia. Aalis na siya sa Bonn at makikipagsapalaran sa ibang lugar upang hanapin ang kanyang kapalaran.
Para sa’yo Nowy.
Ain't no sunshine when she's gone
Wonder if she's gone to stay
Ain't no sunshine when she's gone
And this house just ain't no home
Anytime she goes away
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home